Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

Sobre ng Pag-asa

Sobre ng Pag-asa

Hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin ngayon. Mahirap talagang maging mahirap. Gusto ko nang magnakaw o di kaya’y mangdukot na lamang. Pero hindi iyon kaya ng konsensya ko. Kahit mahirap kami, maayos naman akong pinalaki ni Inay. Lagi niya akong pinapangaralan na maging matapat at magtiwala lang daw sa Diyos.

Pero parang may boses na nagsasabi sa akin na hindi mapapagaling ng katapatan ang aking Inay. Paano ako magtitiwala sa isang Diyos na hindi ko naman nakikita? Madaming katanungan ang gumugulo sa aking isipan.

Nakaratay sa bahay si Inay at mataas ang lagnat. Hindi ko siya maibili ng gamot o ang madala sa ospital dahil wala naman akong pera. Elementarya lamang ang tinapos ko. Kinailangan kong tumigil sa pag-aaral dahil iniwan kami ni Itay noong Grade 6 ako. Sumama siya sa mayaman niyang kalaguyo. Wala na akong balita sa kanya simula noon.

Isang kahig isang tuka ang buhay namin ni Inay. Iba’t ibang klase ng trabaho na rin ang pinasok ko. Naging kargador ako sa isang tindahan ng bigas. Naranasan ko na rin ang maglinis sa mga babuyan. Minsan ko na ring pinasok ang maging construction worker. Mahirap pero dapat kayanin para sa amin ni Inay.

Gusto kong mag-aral dahil sabi ni Inay mas magandang trabaho ang pwede kong pasukin kapag tapos ako ng high school o kolehiyo. Kaya naman sinubukan kong mag-ipon. Bumabawas ako ng sampung piso sa bawat araw na ako ay may suweldo sa mga trabahong aking pinasukan. Inilalagay ko ito sa isang sobreng puti. Ang sobreng ito ay ang tanging alaala ko na lamang kay Itay. Bago siya lumayas at sumama sa iba, inawanan niya si Inay ng sulat na nakalagay sa sobre na ito.

Wala nang laman ang sobre na ito dahil naibili ko na ng gamot ni Inay simula noong isang linggo. Mahigit pitong araw na rin kasi siyang maysakit. Sabi naman ng mga kapitbahay ay normal lang daw ang magkasakit sa tulad naming mahihirap. Sila rin ay madalas daw nagkakasakit pero nakakayanan naman. Para saan pa’t gagaling din daw ang Inay ko. Hindi rin uso ang magpatingin sa ospital dahil nga mahirap lang kami.

Kanina bago ako umalis ng bahay ay nanginginig si Inay at inaapoy pa rin ng lagnat. Hindi ko kayang makita siya sa ganoong kalagayan nang wala man lang akong gagawin.

Nandito ako ngayon sa isang upuan sa may parke ng aming bayan. Hindi ito kalayuan sa aming munting barong-barong kung saan iniwan ko muna si Inay.

Hindi ko alam kung bakit ako nandito ngayon. Hindi ko alam kung gusto ko bang mamalimos o magnakaw. Madaming gumugulo sa aking isipan. Ang gusto ko lang naman talaga ay madala si Inay sa ospital at mapatingnan siya. Nais ko lang naman na gumaling na siya agad.

Naiiyak na ako dahil hindi ko alam ang aking gagawin. Unti-unting pumapatak ang aking mga luha nang hindi ko namamalayan. Gusto kong kumuha ng kaunting pag-asa pero hindi ko alam kung saan ito kukunin. Nakapikit na lamang ako at dilim na lang ang nakikita. Hindi ko alam kung may darating na liwanag sa sitwasyon namin ni Inay.

“Utoy, nahulog ang sobre mo,” wika ng isang lolo na kumalabit sa aking likod. Dumaretso lang siya sa kanyang paglalakad at bigla na lang akong natauhan na tila nagkaroon muli ng ulirat. Ako’y napamulat at nakita ko sa may tabi ng aking kanang paa ang isang asul na sobre. Tiningnan ko ulit ang direksyon na pinuntahan ni lolo subalit hindi ko na siya naaninag pa.

Binuksan ko ang sobre at may laman itong sulat. Binuklat ko ang nakatuping papel at binasa ko ito:

Hindi ko alam kung bakit ako sumusulat sa isang taong hindi ko kilala. Hindi ko rin alam kung may makakabasa ba talaga ng sulat na ito. Ginagawa ko lang ito dahil ito ang narinig kong gawin pagkatapos kong manalangin ngayong umaga dito sa parke.

Gusto ko lang sabihin na may plano ang Diyos sa iyong buhay. Malinaw ang sinabi niya sa Jeremiah 29:11, “For I know the plans I have for you, plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.” Hindi ko alam kung naiitindihan mo ang mga katagang iyan pero iyan ang aking pinanghawakan simula noong namatay ang aking asawa at anak sa isang aksidente. Ako lamang ang nabuhay noong nabangga ang aming sasakyan ng isang rumaragasang trak. Hindi ko matanggap ang katotohanang wala na sila. Tinanong ko ang Diyos kung iyon ba talaga ang plano Niya sa akin. Nagtanim ako ng galit sa Kanya.

Nakatakda nang araw na iyon ang plano kong magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti. Inaayos ko ang lubid na aking gagamitin nang biglang may kumatok sa aking bahay. Iniabot ng isang kartero ang sobreng nagpabago ng aking buhay.

Ang sulat na iyon ay mula sa aking kapatid na nagpapastor sa Mindanao. Ibinahagi niya ang kanyang mga karanasan doon at mga patotoong buhay ang Diyos. Nagbigay din siya ng mga verses na nagbigay kasagutan sa aking mga katanungan. Alam kong ang Panginoon ang kumilos nang mga sandaling iyon. Nanalangin ako at humingi ng kapatawaran. Nawala ang lahat ng galit at poot sa aking puso. Nanumbalik ang aking pananampalataya sa Kanya at mas umigiting pa ito. Dumalo ako sa isang church na inirekomenda ng aking kapatid. Ngayon ay naglilingkod ako sa Diyos bilang isang doktor. May mga sakit na kahit ang mga bihasang doktor ay hindi maipaliwanag kung paano gumaling ang mga iyon. Ang tanging ginagawa ko lang naman ay ipinagdadasal ang aking mga pasyente. Mahirap ipaliwanag pero sabi nga sa Hebrews 11:1, “Now faith is confidence in what we hope for and assurance about what we do not see.”

Madami pa sana akong gustong ibahagi sa taong makakabasa ng sulat na ito. Pero alam kong magkikita tayo sa tamang panahon.

Kalakip ng sobreng ito ay isang libong piso. Hindi ko alam kung bakit ito pinagawa sa akin ng Diyos pero alam kong makakatulong ito sa iyo. Nawa’y makatulong ang perang ito sa kung ano man ang pangangailangan mo ngayon.

Doctor Eamer

Matapos kong basahin ang sulat na iyon ay binuksan ko ang sobre at may nakalagay ngang isang libong piso. Kumaripas ako ng takbo pabalik sa aming bahay upang madala ko na sa ospital si Inay.

Salamat sa Diyos at naagapan agad si Inay. May dengue pala siya. Nagkasya naman ang isang libong pisong iyon para sa pambayad namin sa pampublikong ospital.

Sobrang galak ang aking naramdaman at kinabukasan pagkalabas namin sa ospital ay pinuntahan ko ang clinic ni Doctor Eamer. Naglagay kasi siya ng address niya doon sa sobre. Napakabuti niyang tao. Ang dami niyang kinuwento sa akin. Sabi pa nga niya kung nabubuhay daw ang kanyang anak ay magkasing edad kami. Lalaki rin kasi ang anak niyang namatay sa aksidente.

Naging tatay na rin ang turing ko sa kanya. Isang beses sa isang linggo ay dinadalaw ko siya sa kanyang clinic. Binabahaginan niya ako ng salita ng Diyos. Madami akong natutunan sa kanya. Pinaaral niya rin ako ng high school. Ginawa niya akong scholar ng kanilang Hope for All Foundation Incorporated (HAFI).

Sa katunayan dalawang taon na ang nakalilipas noong nakapagtapos ako ng high school. Ngayon ay patapos na ako ng vocational course na aking kinukuha. Sa umaga at hapon ay pumapasok ako at pagkatapos ay dumadaretso ako sa clinic ni Doctor Eamer upang magtrabaho. Binigyan niya ako ng mga clerical works kapalit ang pang-araw-araw kong pambaon at pagkain habang pumapasok sa vocational course na aking kinukuha.

Ito na ang simula ng katuparan ng aming mga pangarap ni Inay. Salamat sa Diyos.

***

Ito ay inilahok ko sa Simpleng Book Club (SBC) Short Story Writing Contest noong Agosto. Akalain mo iyon, 3rd place ito! 🙂 Salamat sa opportunity SBC! God bless sa inyong mga WattPad writers.

***

Salamat sa pagsubaybay sa aking mga blogs! Abangan araw-araw ngayong Oktubre ang aking mga blogs bilang paggunita ko sa aking 1st year blogging anniversary.

Dr. Eamer’s FB Page: https://www.facebook.com/iamdoctoreamer

Photo Credits (here)

Occasionally, visitors may see an advertisement here.

Lazada Philippines

 

17 comments on “Sobre ng Pag-asa

  1. sapritil
    October 17, 2015

    Mabilis lang din yung pag pasok ng lolo sa eksena. Pero siguro ganun naman ata talaga Siya. Dumarating sa pinakadesperadong sitwasyon ng buhay natin.

    Sa huli sir hinahanap ko lang yung nanay. Sana nakapakinig din siya kay Doctor Eamer ng Salita ng Diyos.

    Liked by 1 person

    • Doctor Eamer
      October 18, 2015

      Hehehe baka yung anak na yung magbabahagi ng salita ng Diyos 🙂

      Like

  2. sapritil
    October 17, 2015

    Ang pinakamaganda rito yung pagkadesperado niya sa buhay kahit medyo pang mmk ang dating, nadale pa rin dahil umiral yung konsepto ng faith.

    Liked by 1 person

  3. sapritil
    October 17, 2015

    Nagtatalo sa isip ko sir kung fiction o non-fiction kasi kasama yung pangalan mo bilang karakter.

    Medyo nabahala rin ako doon sa pag-iwan niya sa kanyang ina habang nanginginig. Kasi kung ganun ang sitwasyon ang unang papasok sa isip humingi ng tulong imbis na iwanan. Siguro talagang nalilito na siya.

    Liked by 1 person

    • Doctor Eamer
      October 17, 2015

      Hehehe! Para mapromote si Doctor Eamer kaya nilagay ko lang.hehe Humingi naman ng tulong sa kapitbahay yung bida kaso, wala naman tumulong. Sanayan lang magkasakit kapag mahirap eh. 🙂 Thanks for the comment. I appreciate it 🙂

      Liked by 1 person

      • sapritil
        October 18, 2015

        Ang laki kasi sir ng potensyal ng kuwento na ito kung marerebisa pa. Naisip ko lang naman po kung subtle yung mga banat pero tagos pa rin sa babasa. Parang kahit nahihirapan na yung karakter pero hindi sinasabi ng narrator na nahihirapan na siya kundi pinapakita na lang sa maliliit na detalye o actions.

        Liked by 1 person

      • Doctor Eamer
        October 18, 2015

        Thanks thanks 🙂 Isang lunch time ko lang ito isinulat (less than an hour).hehe gumana bigla ang creative juices ko that time eh.haha Wala talaga akong back ground sa paggawa ng kuwento 🙂 I want to learn pero ayoko naman pagbuhusan pa ng oras iyon.hehe

        Like

      • sapritil
        October 18, 2015

        Sir ayoko mang hype masyado. Pero mas babasahin ko pa yung ganiton klaseng kuwento kesa mga nanalo sa Palanca. Kasi sila nagsusulat para sa parangal. Anyway. Salamat sir. Kahit kailan hindi ako nabigo bumisita sa blog mo. Apir po. 🙂

        Liked by 1 person

      • Doctor Eamer
        October 18, 2015

        Wow! Flattered naman ako sa sinabi mo.hehe Thanks thanks! Try mo din pala icheck ang http://www.sba.ph/2015/09/saranggola-blog-awards-2015.html 🙂 Salamat sa pagbisit sa aking clinic. 🙂 Tambay ka ulit next time dito 🙂 God bless! Have a safe weekend. May bagyo eh.

        Like

      • sapritil
        October 18, 2015

        Totoo naman kasi sir. Sa ilang linggong pag labas pasok ko rito sa blog mo kahit papano gets ko kung anong misyon ng pagsusulat mo. Yung ibang nanalo kasi sa palanca hindi na nagsusulat pagkatapos. Ano yun? Labo sir. Anyway. Hahaba pa to sir e haha.

        Salamat sayo sir. Ingat din po.

        Liked by 1 person

      • sapritil
        October 18, 2015

        Last one sir. Sensya na rin kung macomment ako 🙂

        Ang mahihirap naman sir naniniwala pa rin sa konsepto ng malusog na pangangatawan. Tingin ko po hindi nila basta-basta isasantabi na sanay na kami sa sakit. Kasi hihingi pa rin sila ng tulong sa center at sa kung sino ang puwedeng madelehensyahan. Salamat po.

        Liked by 1 person

      • Doctor Eamer
        October 18, 2015

        No problem 🙂 Gusto ko nga yung mga nagkocomment sa blog ko. Mas may interaction.hehe Hindi lahat ng mahihirap. 🙂 Extreme case naman din itong sa akin.haha

        Like

  4. Cassiopeia
    October 13, 2015

    Grabe! Kinilabutan ako sa asul na sobre, tapos ang mga sumunod na, naluha ako.
    Ang ganda, Doc! 🙂

    Liked by 1 person

  5. Smiley25
    October 12, 2015

    Ang ganda doc! Basta may pananampalataya sa poong maykapal lahat possible. Lahat may mapupuntahan at lahat tayo alam niya kung ano nakakabuti para sa atin.

    Liked by 1 person

Anong masasabi mo?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Follow Doctor Eamer on WordPress.com